Direk Paolo Valenciano, sinabing good influence sa kaniya si Christian Bautista | Chika Muna

Hinahangaan ng direktor na si Paolo Valenciano si Christian Bautista dahil sa kagustuhan ng Kapuso singer na laging magkaroon ng improvement sa kanilang ginagawang proyekto.

Katunayan, ang kaniyang pag-push sa mga artist para pag-igihan ang kanilang mga performances ay mula umano sa impluwensiya ni Christian.

“Kasi may mga artists that I work with katulad ni Christian, marami silang complaints,” saad ni Paolo sa isang pocket interview nitong Huwebes sa Quezon City para sa “All 4 You: The Clash Concert” na gaganapin sa Los Angeles, USA.

Si Paolo ang anak ni Mr. Pure Energy Gary V.

 

 

“Si Christian naman kasi, the thing that I appreciate most about Christian is, hindi lang siya pumapayag sa kung anu-ano,” kuwento ni Paolo.

Natuwa aniya si Paolo sa laging paghamon sa kaniya ni Christian na pagandahin pa ang kaniyang mga proyekto.

“‘Pag sinabing, kunwari may idea ako, iku-question niya kung bakit ganoon ‘yung gusto kong gawin, kung bakit ‘yon ‘yung song, kung bakit ganoon ‘yung choreo. But I appreciate it because it also pushes me as a director.”

“And I’ve said this many times before, everytime I work with Christian, I feel like natsa-challenge ako kasi he is always trying to elevate things, he’s always trying to progress, he’s always trying to move things forward,” sabi pa ni Paolo.

“There’s no easy answer, there’s no easy way around it. So it really uplifts or it brings up the quality of the show.”

Si Paolo ang direktor ng “All 4 You: The Clash Concert” na gaganapin sa Los Angeles, California sa Oktubre 19. Kasamang magtatanghal dito ni Christian ang kapwa niya “The Clash” judges na sina AiAi delas Alas at Lani Misalucha, at ang champion na si Golden Cañedo.

“‘Yung okay sa kanila is game sila, I think more than anything… Sila rin naman, they are very game,” saad ni Paolo nang tanungin tungkol sa pakikipagtrabaho niya kina Christian, AiAi, Lani at Golden.

Hindi lang daw basta performance ang layon ni Paolo sa mga artist kundi gusto niya ring makita na mag-i-improve sila sa kanilang ginagawa.

“Every time naman I work on a concert, ayokong may pinagagawa ako sa artist na hindi naman talaga nila ginagawa or hindi sila comfortable. I always tell the artists na, when you work with me, I will try to push you and make you a better version of yourself.”

“I always ask an artist din kasi nga, for example new artist siya or up and coming, tinatanong ko kung how would you rate yourself as a singer or a dancer. ‘Pag sinabi nila na 6 or 7, I’ll tell them na ‘Sige, we’ll try to make you an 8 or a 9,” paglalahad ni Paolo.

Inilahad ni Paolo na ito ang natutunan niya kay Christian.

“So ‘yun ‘yung parang minsan, ang mga artist nahihirapan sila when they work with me, but I think influence din ‘yun ni Christian sa akin. Good influence naman!”

Ang “All 4 You: The Clash Concert” ay kasabay ng Filipino American History Month ngayong Oktubre, at nagsisilbi na ring panimula ng Christmas season para sa mga Kapuso viewers abroad.

Gaganapin ito sa Arcadia Performing Arts Center, Arcadia sa Los Angeles.– FRJ, GMA News